Nag-isip ako. Nagdasal ako.
Salamat sa umaga na ito. Nagising ulit ako. Gabayan Niyo po sana ako sa araw na ito at ang lahat ng mga kaibigan ko. Sana walang masamang mangyari sa kanila at isinasainyo ko na po ang kapalaran namin. God bless us all.
Nakahiga't nag-iisip. Napalingon ako sa lahat ng pinagdaanan ko (nanaginip na naman ako tungkol sa mga tao sa aking kahapon).
Napaisip ako: Ang layo na pala nang narating ko.
Hindi naman sa nagyayabang ako. Kumpara sa ibang tao, tiyak na mas malayo ang narating nila. Pero para sa akin at sa mga sitwasyon ko, kahit papaano, malayo-layo na 'tong narating ko sa buhay.
Iskolar na nga pala ako ngayon sa Ateneo (isa sa mga pinakatanyag na unibersidad sa bansa). Kahit papaano, maganda pa rin naman ang mga marka ko. Naging valedictorian pala ako nung High school (sa CMSHS, na sinasabing maraming matatalinong bata ng Mandaluyong ang nag-aaral doon). May isang kahon din ako ng mga medalya at certificate mula noong High school. Sumali nga pala ako ng mga kumpetisyon noon. Science, English, ang karamihan, (di ako mahilig sa math).
Kahit papaano, maipagmamalaki ko na ang mga 'yan. Bunga 'yan ng sariling sikap ko at bukal-sa-loob na pagtulong ng mga tao sa paligid ko.
Alam niyo ba, na ni isang beses, hindi pumunta ang mga magulang ko sa mga kumpetisyong sinalihan ko? (kung nananalo man, laging guro ang nagsasabit ng medalya) Hindi na rin nila ako pinakialaman sa pag-aaral ko pagdating ng ikaapat na baitang ng elementarya. Tagatingin na lang sila ng mga marka (at pati ang report card ko, ako na rin ang kumuha). Sa totoo lang, noong elementarya, hindi sumagi sa isipan ko na "matalino" pala ako. Hindi ko pinangarap na maging valedictorian o maging iskolar. Hindi masyadong maganda ang suporta ng mga magulang ko (kung sa pag-aaral).
Dumating din ang punto noong nasa ikalimang baitang ako na "nakalimutan" akong sunduin. Private school kasi, bawal lumabas nang basta-basta ang mga bata. Naghintay ako hanggang alas-siete ng gabi sa may gate ng paaralan namin, kasama ang security guard, umiiyak, nagdadasal na sunduin na ako. Umalis na kasi yung ibang mga bata, ako na lang ata hindi nasusundo. Masakit. Dumating ang tatay ko, nagsorry siya, sabi niya dumaan muna raw siya sa bahay tapos naalala niya na hindi niya pa ko nasusundo. (Hanep, di ba?) Pagkatapos ng insidente na iyon, natuto akong magcommute mag-isa. Ayoko ang pakiramdam na naghihintay na lang ako ng tulong at wala na kong kayang gawin. Inasikaso ko yung commuter's pass ko, para palabasin ako ng guard. Pagdating ng grade 6, tuwing may meeting ako sa Student Council na ginagabi, ako na mag-isa ang umuuwi. Para sa isang bata sa isang private school para sa mga babae, malaking bagay na marunong kang magcommute mag-isa (namangha ang mga kaklase ko noong nalaman nila, mayayaman kasi karaniwan ang mga estudyante doon). Hindi naman umalma ang mga magulang ko, alam siguro nila na kaya ko ang sarili ko.
(pero hanggang ngayon, si Abby na grade six na, hindi pa rin nila pinapayagan. ano kayang ibig sabihin nun?)
Bumalik tayo, hindi masyadong maganda ang suporta ng magulang ko sa paaralan, basta pumasa, ayos lang. Walang pressure, naiintindihan ko, pero kahit paano sana nakita nila na kaya ko (kung hindi siguro ako pumasok sa MandSci, na academic-oriented, hindi ko siguro mararating to). Pagtungtong ng high school, dalawang libro lang ang binili nila para sa akin (nakakainggit sa mga kaklase ko, na kahit second-hand na libro sa biology, zoology, chemistry at physics talagang ibinibigay ng mga magulang nila, kumikirot sa puso pero ayos lang, nag-aral na lang ako sa internet, at sa mga hiram na libro galing sa mga guro ko. Naging Best in Biology, Botany, Chemistry, Earth Science, English naman ako.). Kahit hanggang ngayon naman, ako pa rin bumibili ng mga libro ko sa kolehiyo (maraming magagandang loob na nagbibigay ng scholarship). Halos wala na silang binabayaran para sa pag-aaral ko.
Hindi ko rin naman siguro masisisi ang magulang ko. Mula naman sa umpisa, hindi masyadong academic-oriented ang mga Moreno at Suarez. Madalang lang na may makatapos ng kolehiyo. Hindi naman kami galing sa mayayaman na pamilya. Kaya naman, kahit makatungtong o matapos mo ang kolehiyo, malaking bagay na. Kaya siguro hindi masyadong napapansin ang pagsuporta sa pag-aaral kasi sa pagpapaaral pa lang mismo, nahihirapan na kami. Pinaghirapan ng mga magulang ko na pag-aralin kami sa mga pribadong paaralan. Mahal ang tuition fee sa St. Paul Pasig at sa Lourdes School of Mandaluyong (sabay kami ng kuya ko). Noong nag-aral na rin si Abby, naisip ko na hindi kakayanin na mag-aral kaming tatlo sa mga pribadong paaralan. Nagpublic-science high school ako. At least doon, walang bayad. (Nanibago ako, sobrang dumi, luma ng gamit, kulang ng staff. Doon ako natuto magfloorwax, magwalis, maglinis ng electric fan. Nakaka-down-to-earth ang experience. Doon ko nalaman na ang telepono, niloloadan, na may mga pamilya talagang nagbubugbugan, na may nakatira talaga sa ganoong bahay. Mas naging tao ako sa MandSci.)
Kung iisipin, malayo na rin ang narating ng nanay ko. Sa siyam na magkakapatid, siya lang ang nakatapos ng kolehiyo. Sabi ng lolo ko sa kanya, hindi na siya kayang pag-aralin. Hindi nawalan ng pag-asa ang nanay ko. Nagworking-student siya sa Maynila (kahit taga-Pampanga talaga sila). Nagtrabaho siya sa National Bookstore kapag may araw pa, babalik siya para mag-aral sa PUP nang gabi. Iginapang niya yung diploma niya. Hindi gaanong mataas ang mga marka niya noon (mahirap mag-aral nang pagod) pero at least, nakapagtapos siya. At nasaan na nga ba siya ngayon? Isang mataas na officer sa HSBC (isang international na bangko) at ka-level niya na ang mga Trust Officer sa bansa (nakapasa siya sa interview ng Standard Charters).
Hindi nakapagtapos ng kolehiyo ang tatay ko. Sa katunayan, hindi ko talaga alam kung anong nangyari sa kanya kasi alam ng karamihan na matalino siya. Shift ata nang shift ang tatay ko. Alam kong Business Administration siya, na naging Accounting, na naging ECE. Dapat ata ggraduate na siya, kaso pinabugbog ata ng barkada niya yung isang ROTC officer na pinahirapan sila. (O diba? May pinagmanahan 'tong kaangasan ko) Ayun, hindi niya hinintay. Nagtrabaho na lang siya kaagad.
Hmmm. So ayun.
Siguro para sa isang batang hindi masyadong nasubaybayan sa paaralan, na nanggaling sa pamilyang hirap sa pagpapaaral, malayo na nga ang narating ko.
Napapaisip ako: paano kung hindi ako nakapag-entrance-test ng MandSci? Paano kung sinubaybayan nga nang mabuti yung pag-aaral ko? Paano kung nagloko na lang ako? Paano kung nagdrugs/nanigarilyo/nag-inom/nanglalaki na lang ako (kapag nasa isang pampublikong paaralan ka, hindi malayong mangyari sa iyo ang ilan dyan)?
It's wonderful to think how our lives are held together by such intricate details--the small choices we make, the people around us, the waking-ups and all the other elements of our day-to-day lives. There are so many ifs and maybes to be thought about.
Aaminin ko sa inyo, hindi naging madali para marating ko 'to. Apat ang nunal ko sa balikat (tag dalawa sa bawat balikat), sabi nila, ibigsabihin daw noon, lahat daw ng pasanin sa mundo bubuhatin ko. Marami akong pinagdaanan, mga pre. Pero para sa mga umaga na ganito, ang sarap isipin na buhay ako ngayon at napagdaanan ko sila.
Ang galing ni Lord! (Wooooooooooooooooooo! Idol! Maraming salamat! Hindi ko alam kung anong gagawin ko kung wala po Kayo. Sa mga oras na pagod na ako at gusto ko na talagang mamatay, sa Inyo lang po ako kumuha ng lakas para gumising ulit. Salamat na hindi ako naging addict sa kanto o kaya tambay o kaya salamat na nakatungtong ako sa kolehiyo.)
Hindi sa malayo na ang narating ko, pero malayo na kung saan Niyo po ako dinala. Salamat. Sana po dalhin Niyo lang ako, tingnan po natin kung hanggang saan ko po kayang sumunod sa Inyo. Ayoko pong bumitaw.
Maraming salamat. Ang sarap ng gising ko sa umaga na ito. :)
No comments:
Post a Comment