Sunday, August 28, 2011

Hierarchy of Crushes by Abba Marie Moreno

Ang Mga Antas ng Crush

By: Abba Marie Moreno

 

Marahan kang naglalakad papunta sa iyong susunod na klase. Alam mo na oras na. Tumitingin ka sa paligid. Ang mga mata mo’y hinahanap ang pares na gustong makatagpo. Patuloy na bumibilis at bumabagal ang pagtibok ng iyong puso.

            Hindi mo siya makita.

 

Kumbinsidong hindi mo siya naabutan, biglang may kumalabit sa iyo. Nginitian ka niya at siya’y kaagad umalis patungo sa kanyang susunod na klase. Habang papalayo, lumingon siya at sandaling nagtagpo ang inyong mga pagtitig. Sa segundong iyon, isang mala-kuryenteng kagalakan ang dumaloy sa iyong mga ugat. Kilig.

 

-----------------------------------------------------------------------------------

 

Lahat naman tayo dumadaan sa crush di ba? Maraming kahulugan ang salitang ito, sapagkat iba-iba ang maaaring depinisyon ng bawat isa sa atin. Para sa akin, ang crush ay pagkakagusto  o paghanga sa isang tao. Hindi ito katumbas ng love o pag-ibig. Sa halip, ito ay maaaring katumbas ng infatuation sa Ingles.

 

Para sa akin, may mga antas ang crush—ayon sa dahilan ng pagkakagusto at sa kung gaano tumatagal. Ang mga antas ay: (1) happy crush, (2) prospect-intermediate at (3) crush.

 

1) Happy Crush – Ang Unang Antas

Ito ang pinakamababaw na uri ng crush. Ito ang pinakamabilis na maitaguyod na estado ng pagkakagusto ngunit ito rin ang pinakamabilis mawala. Karaniwang mga dahilan ng pagiging happy crush ay: kaguwapuhan, katalinuhan, kagalingan sa sports, etc. Sa madaling salita, ang pagkakagusto sa happy crush ay dulot ng mga katangian ng taong hinahangaan—hindi ang kanyang personalidad at katauhan. Hindi kailangan ng personal na koneksyon ang humahanga at hinahangaan sa pagtaguyod ng estado ng happy crush. Magandang halimbawa ng happy crush ay ang mga celebrity crushes—karaniwang pisikal na kaanyuan ang nagugustuhan at hindi kilala nang personal ang mga fans ang mga celebrities.

 

2) Prospect-Intermediate – Ang Gitnang Antas

            Ang antas na ito ay sumunod sa happy crush. Ang paghanga o pagkagusto sa antas na ito ay higit pa sa mga pisikal o panlabas na katangian lamang. Dito pumapasok na ang pagkagusto sa personalidad ng hinahangaan—kung kaya, masasabi rin na kailangan ng personal na ugnayan (kahit kaunti lamang) sa pagitan ng humahanga at hinahangaan. Sa antas na ito madalas naiisip ang mga ideyang: “Okay pala ang ugali niya,” o kaya, “She’s more than just a pretty face.”

            May dalawang uri ng crush sa antas na ito: prospect at intermediate. Pareho ang dahilan at intensidad ng pagkakagusto ng dalawang uri, magkaiba lang ang dalawa sa intensyon ng humahanga para sa kanyang nararamdaman.

            Una, ang Prospect: kapag ganito ang uri ng crush ang nararamdaman ng humahanga. Naiisip niya na okay ang kanyang hinahangaan at nais niya pang makilala ito. Bukas siya sa posibilidad na magustuhan niya pa lalo ang kanyang prospect o hinahangaan. Maaaring tumuloy ang uri na ito patungo sa susunod na antas.

            Ang Intermediate naman ay nakakaisip na okay ang kanyang nagugustuhan ngunit ayaw niya nang lumago ang kanyang nararamdaman. Tinawag na intermediate ang estado na ito sapagkat naghihintay na lamang ang humahanga na makahanap ng bagong magugustuhan. Nararating ang uri na ito sa mga kadahilanang tulad ng: “Alam kong walang patutunguhan ito,” at nais lang manatili ang humahanga sa pagkakagusto.

 

 3) Crush – Ang Huling Antas

Crush ang pinakamataas na antas at ang may pinakamalalim na paghanga. Ito ay higit sa happy crush at prospect-intermediate. Masasabi na nasa antas na ito kung ang dahilan ng paghanga ay ang mismong pagkatao ng hinahangaan. Kadalasan hindi masagot nang madali ang tanong na: “Bakit mo siya gusto?” Nahihirapan ang humahanga sapagkat hindi ito katulad ng happy crush na madaling maglista ng mga katangian. Sa antas na ito, mabuting magkaibigan na ang humahanga at hinahangaan at lubos na nilang kilala ang isa’t isa. Ito ang uri ng paghanga na tumatagal sapagkat ito ay may pundasyon ng pagkakaibigan. Ito ang uri ng crush na may pinakamalaking probabilidad na tumuloy sa pag-ibig.

 

            Katulad ng sinabi sa mga nakaraang talata, karaniwan ang pagkakaroon ng crush. Normal lamang na magkagusto sa ibang tao ngunit mas mabuti kung alam mo ang kalikasan ng iyong paghanga. Makatutulong ito upang maiwasan ang padalus-dalos na mga desisyon.

 

No comments:

Post a Comment